Kinokonsidera umano ng mga otoridad ang posibilidad na pulitika ang dahilan sa likod ng pagpaslang kay Los Baños Mayor Caesar Perez.
Sinabi ni Calabarzon police director Brig. Gen. Felipe Natividad Jr., na hanggang ngayon ay nagsasagawa pa rin ang mga ito ng masusing imbestigasyon sa nangyaring krimen.
Iniimbestigahan na rin aniya nila ang ilang miyembro ng pamilya Perez upang tumulong sa kanilang imbestigasyon.
Si Perez, na dating nadawit sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay binaril ng dalawang beses sa ulo sa loob mismo ng municipal hall bandang alas-8:45 ng gabi noong Disyembre 3.
Tila dumistansya naman ang presidente sa isyu ng pagpaslang sa alkalde ng Los Baños at iginiit din nito na hindi kasama si Perez sa kanilang narcolist.
Kaninang umaga ay nagsagawa ng isang motorcade upang iikot sa mga barangay ang mga labi ng alkalde.
Karamihan ng mga residente ng Los Baños ang sumama sa nasabing motorcade kung saan dumaan ito sa bawat barangay, habang ang iba naman ay nag-abang na lamang sa labas ng kanilang mga bahay.
Ginawa umano ang motorcade bilang tugon sa kahilingan ng mga residente dahil marami raw sa mga ito ang hindi nakapunta sa burol ng alkalde sa bahay nito.
Nakasuot ang mga ito ng puti at may hawak na placard na humihingi ng hustisya para sa kanilang pinaslang na alkalde.
Una nang sinabi ng pamilya Perez na nakahanda silang magbigay ng pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga salarin.