CAGAYAN DE ORO CITY – Nagpapatuloy ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis sa pananambang ng dalawang kalalakihan sa empleyado sa munisipyo ng Maramag Bukidnon.

Kinilala ang biktima na si Jessie Seberia, residente sa nabanggit na bayan.

Sinabi ni Police Major Alexis Sonido, hepe ng Maramag Municipal Police Station na patuloy pa nilang inaalam ang motibo ng krimen.

Napag-alamang binaril ang biktima ng mga suspek na nakasakay ng motorsiklo habang papunta ito sa municipal hall lulan ng Bongo Kia truck upang dumalo sana ng flagraising kasama ang kanyang kapatid na si Diosdado Siberia.

Tinamaan ang biktima sa kanyang ulo mula sa bala ng kalibre .45 na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Ginawa ngayong primary witness sa pamamaril ang kapatid ng namatay upang mapadali ang pagresolba sa naturang kaso.