-- Advertisements --
viber image 2021 12 25 19 43 16 484

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pananambang-patay sa isang kasapi ng PNP Region-12 sa bayan ng Tantangan, South Cotabato kasabay ng selebrasyon ng Christmas eve.

Kinilala ni Police Capt. Reyjune Bagaman ang biktima na si Patrolman Mangued Mangabpel Salumandeg, 28-anyos, kasapi ng accounting service unit ng Police Regional Office-12 na naka-base sa General Santos City.

Lumabas sa imbestigasyon ng Tantangan PNP na naka-uniporme pa si Salumandeg nang tinambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek kung saan patungo sana ito sa Tantangan Municipal Police Station sakay ng kanyang motorsiklo.

Inaalam pa sa ngayon kung may kaugnayan sa trabaho ang motibo sa pagpaslang kay Salumandeg.

Samantala, kasabay din ng selebrasyon ng pasko ay isang sasakyan naman ang hinagisan ng granada habang nasa gilid ng national highway.

Napag-alaman na nagkakasayahan at nagpapaputok ng firecrackers ang mga residente ng mangyari ang paghagis ng Granada.

Mabuti na lamang at walang nasugatan ngunit nasira naman ang bahagi ng sasakyan.