ILOILO CITY – Nagpositibo sa drug test ang pulis sa Western Visayas na nahuli sa drug buy-bust operation ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU 6) sa Barangay North Fundidor Molo, Iloilo City.
Ito ay si Police Staff Sergeant Igmedio Cristobal Jr, 40, residente ng Brgy. Jereos, Lapaz, Iloilo City, at assigned sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit (RPHAU 6).
Sa nasabing operasyon, nakuha sa pulis ang kabuuang 19 sachet ng shabu.
Umabot sa P374,000 ang halaga ng nakumpiskang iligal na droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lt. Col. Arnel Solis, spokesperson ng Police Regional Office 6, sinabi nito na nagpositibo sa Methamphetamine ang urine sample ng pulis sa laboratory examination.
Sa ngayon, nakakulong na si Cristobal sa Molo Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.