-- Advertisements --

ILOILO CITY – Huli sa akto ang isang pulis na nagsasagawa ng iligal na sabong sa isang subdivision sa Brgy. Cagbang, Oton, Iloilo.

Kinilala ang naaresto na si Police Corporal Virgilio Rojo, 37, residente ng nasabing barangay at assigned sa General Services Office (GSO) ng Iloilo City Police Office (ICPO).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Robert Jayson Pancha, hepe ng Oton Municipal Police Station, sinabi nito na matagal nang may report na involved si Rojo sa nasabing iligal na aktibidad.

Nang ikinasa na ang operasyon, doon na naaktuhan ang nasabing pulis.

Habang binabasahan ng Miranda Doctrine si PCorp. Rojo, bigla itong tumakbo sa palayan at hinabol ng kapwa pulis hanggang sa mahuli ito sa kabilang barangay.

Trending naman ang video nito habang tumatakas.

Nasa kustodiya na ng Oton Municipal Police Station ang nasabing pulis at ang apat na iba pang kasamahan nito na nagsasagawa ng iligal na sabong.