KALIBO, Aklan – Arestado ang apat na lalaking lasing makaraang pagtulungang gulpihin ang isang pulis habang nagsasagawa ng surveillance sa loob ng isang bar kaninang madaling araw sa Brgy. Manocmanoc, Boracay.

Kulong ang mga suspek na sina Angelo Tolentino, 30, tubong Kalibo, Aklan at kasalukuyang naninirahan sa Sitio Bolabog, Brgy. Balabag, Boracay; Israel Tolentino, 34, residente ng Kalibo, Aklan at pansamantalang nakatira sa Brgy. Manocmanoc, Boracay; Deo Patriarca, 35, ng Calabanga Camarines Sur at kasalukuyang nakatira sa Sitio Bantud, Manocmanoc at Eroll Dacanay, 24, residente ng Bora Tarlac at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Balabag sa isla.

Nahaharap sila sa kasong direct assault upon agent in authority.

Batay sa report ng Malay Police Station, dakong alas-12:40 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng Galaxy Club sa nasabing lugar.

Napag-alamang may binabantayan sa lugar ang pulis na si PO1 Danny Tagacay, 33, residente ng Tugbungan, Iloilo at miyembro ng Intel Operative sa Boracay nang biglang sinakal ng suspek na si Angelo mula sa likuran.

Nang gumanti ang pulis, pinalibutan siya ng iba pang suspek na pawang nasa impluwensiya ng alak at nang magpakilalang miyembro ng pulisya, pinagtulungan pa rin siyang bugbugin.