-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon sa nangyaring pananaksak-patay sa isang pulis sa loob mismo ng Esperanza Municipal Police Station pasado alas-7:14 kagabi kung saan nabaril-patay din ang suspek.

Kinilala ni Police Major Alexander De Pedro, hepe ng Esperanza MPS, ang nasawi nilang kasamahan na PSSgt. Victor Arano, duty investigator at residente ng lungsod ng Koronadal habang ang suspek ay si Vincent Ferrer na residente ng Brgy. Saliao, Esperanza, Sultan Kudarat.

Ayon kay De Pedro, ipinakustodiya ng kanyang sariling ama si Ferrer dahil sa lasing ito at nagwawala ngunit hindi umano ipinasok sa loob lock up cell.

Kaya’t hindi namalayan na pumunta ito sa kusina ng police station kung saan kumakain si Arano, kumuha ng patalim at sinaksak sa dibdib ang biktima.

Sabay takas sa backdoor ng police station at pumunta sa Purok nanghostage ng 2 bata doon ngunit dahil sa isinagawang negosasyon na tumagal ng halos isang oras ay pinakawalan nito ang mga hostages.

Nang tangka na umanong posasan pabalik sa police station ay nang-agaw ng baril ang suspek kaya’t pinaputukan ng mga rumespondeng pulis.

Naidala pa sa ospital ang biktima at suspek ngunit kapwa binawian din ng buhay.