Patay ang isang pulis matapos manlaban sa mga rebeldeng NPA na nais siyang dukutin sa Santiago, Agusan del Norte.

Kinilala ni CARAGA Regional Director CSupt Gilbert Cruz ang nasawing pulis na si SPO3 Reil Mekaris  Morgado na naka-assign sa Santiago Municipal Police Station.

Batay sa police report, bandang alas-8:30 kagabi, napansin ng pulis na may mga umaaligid na kahinahinalang tao sa harapan ng kanyang bahay kaya’t lumabas ito na bitbit ang kanyang baril.

Nang makita ng mga suspek na armado si SPO3 Morgado, bigla nalang nilang pinaputukan ang pulis na tinamaan ng ilang ulit sa katawan.

Pero nakaganti ng putok si Morgado bago ito binawian ng buhay, agad namang tumakas ang nasa 10 suspek na NPA na sakay sa apat na motorsiklo na tinangay ang baril ng pulis.

Sa inilunsad na hot pursuit operation ng Regional Mobile Force Battalion 13, naaresto ang tatlo sa mga suspek na kinilalang sina RENATO F CAERLANG, 34-anyos; RYAN JAMES M CAERLANG, 18 years old at RIEDEL C CABELLO, 26 years old, pawang mga residente ng P-8, Brgy. Poblacion, Santiago, ADN.

Sa imbestigasyon ng pulisya, natuklasan na mga miyembro ng NPA ang mga suspek na nais sanang  ipatubos sa gobyerno ang pulis ang dudukuting pulis.