-- Advertisements --
image 2

LEGAZPI CITY – Patay ang isang pulis habang isang lalaki ang sugatan sa pamamaril ng mga armadong suspek sa Barangay Peñafrancia, Daraga, Albay.

Kinilala ang napaslang na biktima na si Police Staff Sgt. Allan Madelar na nakadestino sa Guinobatan Municipal Police Station, habang sugatan naman si Gabriel Llaguno, 20.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lt. Armando Revale ng Daraga PNP, nanggaling umano ang biktima sa birthday celebration ng kaanak at papauwi na sana ng tambangan ng mga suspek.

Bigla na lang umanong pinaputukan ng mga suspek ang biktima na nagawa pang makatakbo sa kanyang sasakyan subalit hinabol at pinaulanan pa rin ng bala dahilan ng pagkamatay nito.

Nadamay rin at nasugatan ang sibilyan na si Llaguno na nasa lugar ng pinangyarihan ng krimen kung kaya’t tinamaan rin ng bala.

Sa ngayon hindi pa rin matukoy ng mga otoridad kung ano ang motibo sa krimen lalo pa’t wala naman umanong nakakaaway ang pulis habang wala rin itong natatanggap na death threat.