Sinabuyan ng isang protester ng pintura sa mukha ang isang pulis na nakasibilyan habang isinasagawa ang Independence Day rally sa Maynila nitong Biyernes, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay NCRPO spokesperson Major Hazel Asilo, nahuli umano ng pulis ang isang indibidwal na nagi-spray ng pintura at nagbabandalismo sa center island sa kahabaan ng Kalaw Avenue. Nang pigilan ito, sinabuyan naman ng pintura ng protester ang pulis.
Tinangka umanong arestuhin ng pulis ang suspek ngunit nanlaban ito, nakatakas, at hinubad pa ang kanyang damit upang hindi makilala.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng protester.
Sinabi naman ni Asilo na bukod sa pinturang tumama sa ulo, braso, at uniporme ng pulis, nasa maayos itong kalagayan.
Sa kabila ng insidente, iginiit ng NCRPO na wala pa rin silang naitatalang iba pang untoward incident sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ngayong taon.











