-- Advertisements --

Inaasahang magiging mapayapa ang sitwasyon at walang namomonitor na anumang banta sa seguridad sa idaraos na White Ribbon March bukas, Linggo, Hunyo 28, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) spokesperson Police Major Hazel Asilo.

Nakahanda na ring magdeploy ang Philippine National Police ng 9,553 tauhan sa buong Metro Manila para sa gagawing rally ng mga grupo ng simbahan at civil society.

Layunin ng kilos-protesta na manawagan ng reporma at pananagutan sa gobyerno, sa gitna ng nagpapatuloy na flood control probe at impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Inaasahan namang aabot sa sampung libong (10,000) indibidwal ang lalahok sa martsa na inorganisa ng Inter-Religious Leaders’ Council laban sa korapsyon at political dynasty.

Ayon kay Professor David San Juan, convenor ng alyansang Tama Na, bukas sa lahat ang protesta para isulong ang adbokasiya laban sa korapsyon at para sa electoral reform.

Aniya, panawagan din nila na palawakin ang imbestigasyon sa flood control scam, ituloy ang paglilitis kay VP Sara, at tiyaking mapapanagot ang lahat ng sangkot sa katiwalian.

Magtatapos ang programa sa EDSA People Power Monument sa pamamagitan ng isang prayer rally at mga talumpati mula sa mga pinuno ng iba’t ibang grupo.

Nilinaw naman ng mga organizer na bagamat bukas sa publiko ang martsa, hindi papayagang magsalita ang mga politiko upang maiwasang mabigyan ng kulay-politika ang aktibidad.