Kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nagpaplano ang apat na grupo na magsagawa ng kilos protesta sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay NCRPO spokesperson Major Hazel Asilo, kasalukuyan na nilang isinasapinal ang ilalaang mga rally sites base sa permit na aaprubahan dahil inaalam pa nila kung gaano karami ang mga inaasahang dadalo.
Aniya, ang apat na grupo na humiling ng permits para makapagsagawa ng rally ay mula sa Quezon City.
Hindi naman tinukoy pa sa ngayon ni Maj. Asilo kung anong mga grupo ang nag-apply na para sa rally permits.
Nauna naman nang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na magdedeploy sila ng mahigit 20,000 police personnel para sa latag ng seguridad sa kasagsagan ng ulat sa bayan ng Pangulo.
Pinaplantsa pa rin sa ngayon, ayon kay Maj. Asilo, ang mga detalye sa mga isasarang kalsada lalo na sa may paligid ng Batasang Pambansa, EDSA Shrine at iba pang kalsada tulad ng Commonwealth Avenue, Quezon Avenue at Katipunan Avenue.
















