Pinatatanggal ni PNP chief Oscar Albayalde ang isang pulis na umano’y nagbantang aarestuhin ang isang lalaki na nagbastos sa kanya.
Sinabi ni Albayalde na nangyari ang naturang insidente kagabi sa San Juan City.
Ang buong insidente ay nakuhanan ng video na kumalat at naging viral sa social media.
Ayon kay Albayalde, inireklamo ng isang Aaron Estrada si PSMS Arnulfo Ardales kaya nagalit ang pulis dahil sa pambabastos umano niya rito habang bumibili.
Batay sa kumalat na video, makikita na sumisigaw at nagmumura ang galit na si Ardales sa isang tindahan makaraang harangan umano siya ni Estrada habang bumibili.
Hiningi ni Ardales ang ID ni Estrada, at sinabihan itong sumama sa kanya matapos siyang bastusin ng huli.
Bago umalis sa tindahan, sinabi rin ni Ardales na markado na raw si Estrada sa kanya.
Para kay Albayalde, ang naturang insidente ay ini-report sa kanya, dahilan kung bakit pinatatanggal niya sa puwesto ang galit na pulis.
“Agad po itong nakarating sa atin kaya agad na ipinatanggal ko sa puwesto si PSMS Ardales na ngayon ay nasa District Headquarters Service Unit ng EPD (Eastern Police District),” ani Albayalde.