-- Advertisements --

Sinibak muna sa puwesto ng Philippine National Police ang pulis na nagmamaneho ng sumalpok na police car sa isang bus sa EDSA Busway.

Ito ang kinumpirma ni PNP Public Information Office Chief PCOL. Jean Fajardo, kasunod ng inilabas na video ng dashcam footage ng naturang bus kung saan makikitang bumangga ito sa railings ng MRT-3, Santolan south bound station matapos na tangkaing iwasan ng driver nito ang police car na biglang pumasok sa EDSA Busway.

Ayon kay PCOL Fajardo, pansamantala munang ni-relieve sa puwesto ang naturang pulis na nagmamanehong police mobile habang nagpapatuloy pa rin ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Inaalam pa kasi ngayon ng Pambansang Pulisya ang dahilan ng pagdaan ng police mobile sa EDSA Busway sapagkat nasasaad na sa ilalim ng regulasyon nito ay pinapayagan lamang ang police vehicle na dumaan sa busway kung mayroon itong responde o ikinakasang operasyon.

Hindi naman nasugatan ang pulis na sakay ng nasabing mobile ngunit posible itong maharap sa kasong administratibo.

Kung maaalala, limang pasahero ng naturang bus ang nagtamo ng galos, bukol, at matinding pagkahilo nang dahil sa nangyaring aksidente.

Kaugnay nito ay muling nagpaalala ang Department of Transportation sa lahat na tanging mga authorized vehicle lamang ang maaaring pumasok at dumaan sa loob ng EDSA Busway, kasabay na rin ng paalala sa mga motorista na lagig maging maingat dahil prayoridad pa in ang kaligtasan ng bawat isa sa lahat ng oras.