Nakatakda nang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang French national na wanted sa kanilang bansa dahil sa sexual abuse ng mga menor de edad.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, naaresto ng Fugitive Search Unit (FSU) ang suspek na si Pascal Didier Gillot, 53-anyos sa A. Masangkay Street San Roque, Antipolo City.
Ang banyaga ay subject ng Mission Order na inisyu mismo ni Morente dahil umano sa pagiging mapanganib nito sa public safety at security dito sa Pilipinas dahil sa kinasasangkutang kaso.
Ang suspek ay subject ng warrant of arrest dahil sa kasong rape sa mga minors.
“We recently received information from French authorities that Gillot is wanted in France, and is the subject of a warrant of arrest for rape cases on children,” ani Morente.
Maliban dito, napaulat ding subject si Gillot ng interpol red notices for sexual abuse ng 15 years old sa pamamagitan ng person of authority at ang ilang beses nitong pagtatangkang kunin ang isang bata sa kanyang legal guardian na parehong paglabag sa French Penal Code.
Lumalabas na overstaying alien na rin si Gillot dito sa bansa.
Sa ngayon, nakaditine na ang suspek sa BI Warden Facility sa Bicutan, Taguig habang inaayos pa ng BI ang kanyang deportation documents.