CAGAYAN DE ORO CITY – Pinahinay-hinay ng Philippine Muslim Teachers’ College Institute of Iranun Studies at ng Southeast Asian Islamic Chamber of Commerce and Industry ang mamamayang Filipino at hindi magpadala sa bugso ng kanilang damdamin sa sigalot ng Israel at Palestine.
Kaugnay ito sa tumindi pang operasyon ng Israeli Defense Forces laban sa mga militanteng Hamas na kumitil na ng libu-libong buhay sa magkabilang panig at damay pa ang mga sibilyan maging ilang foreign nationalities.
Sa eksklusibong interbyu ng Bombo Radyo,inihayag ni Professor Nasser Sharief sa nabanggit na mga grupo na hindi maganda na papanig ang Pilipinas sa alin man sa dalawang magkalaban na bansa na kulang sa kaalaman at pag-uunawa sa kasaysayan patungkol sa mga ito.
Aniya,walang mabuti na ikadudulot ang pagsimpatiya sa magkabilang panig kung ibabatay ito ng publiko sa kinaaniban nito na relihiyon na tiyak punong-puno ng emosyon.
Magugunitang naglunsad ng isang grand solidarity rally for Palestine ang Bangsamoro people sa syudad ng Marawi,Lanao del Sur kaninang umaga.
Bombo CDO