
Nagbabala ang National Telecommunications Commission (NTC) sa publiko laban sa mga scammer na nag-aalok ng tulong para sa Sim o Subscriber Identity Module registration.
Ito ay matapos mapaulat na ilang mga indibidwal ang nag-aalok ng tulong kapalit ng pera para mairehsitro ang Sim card ng isang indibidwal.
Babala ni NTC deputy commissioner John Paolo Salvahan, posibleng magamit sa masama ang mga ibinibigay na impormasyon kung saan makikita ang pangalan, address maging ang ID na ginagamit din para sa registration. Isa pa ayon sa opisyal, libre lamang ang pagpapatala ng Sim.
Kaugnay nito, ipag-uutos ng NTC sa mga telcos na magpakalat ng text blast para balaan ang mga subscriber kaugnay sa naturang isyu.
Naglunsad naman ang ibang malaking telcos sa bansa ng touch points sa iba’t ibang bahagi ng bansa para matulungan ang mga sim user na senior citizen, persons with disabilities at mga residente sa malalayong lugar.










