-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) na maging mapanuri sa pagbili online.

Sinabi ni ASec Mary Jean Pacheco, Head ng E-Commerce Office ng DTI, na dapat ugaliin ng mga online shoppers ang pagbabasa ng mabuti sa mga ibinibenta sa internet.

Dapat na suriin din aniya ng mga mamimili ang mga reviews at stars o rating sa mga produktong ibinibenta online.

Bukod dito, sinabi ni Pacheco na dapat ugaliin din ang pagsuri nang husto sa mga online buying sites.

Mababatid na magmula nang magpatupad ng lockdown ang pamahalaan noong Marso dahil sa COVID-19 pandemic ay naging patok ang online selling.

Noong nakaraang buwan lang, sinabi ng DTI na tumaas ng 500 percent ang naitalang online scams ngayong taon.

Mula sa 2,457 cases na isinumbong sa kanila noong 2019 ay umakyat ito sa 14,869 complaints mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon.

Iniulat ni DTI Undersecretary Ruth Castelo sa pagdinig ng House Committee on Trade and Industry noong nakaraang buwan na sa mga online stores na madalas nabibiktima, ang top merchandisers na Shopee at Lazada ang nakakuha ng 90.13 percent ng mga kaso, habang ang nalalabing 9.87 percent naman ay sa Facebook at iba pang online platforms.