-- Advertisements --

Hinimok ng Land Transportation Office ang publiko na agad na ipagbigay-Alam sa kanila ang sinumang gumagamit ng sirena at blinkers sa kalsada mapa-sasakyan ng mga government officials o mga private vehicles.

Ito ang naging panawagan ng naturang kagawaran kasunod ng inilabas nitong “Aksyon on the Spot” hotline na 09292920865 kung saan maaaring magreport ang lahat ukol sa hindi otorisadong paggamit ng naturang mga devices.

Bukod dito ay Inihayag din ng LTO na maaari rin i-report sa kanilang tanggapan ang mga online scammers na nagpapanggap na kanilang mga tauhan.

Ayon kay LTO chief, Asec. Vigor Mendoza II, matagal nang nagpaplano ang kanilang ahensya na magkaroon ng isang reliable hotline upang agad na matugunan ang mga suliranin ng taumbayan.

Aniya, alinsunod na rin ito sa naging direktiba ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista na lalo pang paigtingin ang road safety measures NG ahensya dahil pa rin sa mga nangyayaring road rage.

Bahagi aniya ito ng kanilang kampanya para labanan ang talamak na mga colorum na sasakyan na namamasada ng hindi otorisado at naniningil din ng malaking pamasahe sa mga pasahero.