Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Public Works Secretary Manuel Bonoan na maglagay ng district office sa Bangsamoro region.
Ito ay makaraang mapuna ng pangulo na nahirapan ang BARMM na magkumpuni ng mga nasirang tulay sa rehiyon na iniwan ng bagyong Paeng, dahil manggagaling pa sa national office ng DPWH ang pagpapatupad ng operasyon para rito.
Sa ginanap na situation briefing sa Maguindanao, sinabi ng pangulo na kailangan ng isang district office ng ahensya sa BARMM para agad may responde, clearing operations at pagsasaayos ng mga nasirang tulay at kalsada kapag tinamaan ng kalamidad ang rehiyon.
Ayon sa presidente, madaling gawin ang clearing operations sa mga kalsada subalit ang paggawa ng tulay ang mahirap at matagal.
Tugon naman ni Bonoan sa pangulo, inatasan na niya ang regional director ng departamento para makipag tulungan sa project management sa ngyaon para maibalik ang operasyon ng mga nasirang tulay.
Nabatid na 10 tulay sa Maguindanao ang nasira ng bagyong paeng, kaya hirap ang isinasagawang relief operations sapagkat hindi makatawid ang malalaking sasakyan na nagdadala ng relief goods at iba pang tulong.
Kabilang sa mga nasirang tulay ang Ledepan, Kurintem, DBS, Sarakan street, Matngan Steel Bridge, Darapan Steel Bridge, Lower Magulat Kiga, Upper Magutay Rempes, Labu Labu at Nituan.