-- Advertisements --

Dinipensahan ni Speaker Alan Peter Cayetano ang isinusulong niyang obligahon ang ABS-CBN na ibigay ang 10 percent ng kanilang advertisement airtime sa pamahalaan.

Sa plenary session ng Kamara kahapon, kinuwestiyon ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang “public service time” provision na nakapaloob sa House Bill 6732, na naglalayong bigyan ng provisional franchise ang ABS-CBN hanggang Oktubre 31, 2020.

Mababatid na inaprubahan na ito ng Kamara sa ikalawang pagbasa noong nakaraang linggo, subalit ibinalik ito sa period of interpellation and amendments kahapon.

Nakasaad sa panukala na ang “public service time” na equivalent sa 10 percent ng paid commercials o advertisements ay dapat na ilaan para sa pamahalaan.

Iginiit ni Rodriguez na nilabag ng pobisyon na ito ang equal protection sa mga batas.

Hindi kasi aniya nakasaad ang naturang probisyon sa iba pang prangkisang iginawad ng Kongreso sa ibang broadcast companies tulad ng GMA.

Dipensa ni Cayetano, dahil ang pamahalaan ang gumagawad sa mga broadcast entity ng prangkisa para makagamit ang mga ito ng airwaves na maituturing na public entity, marapat lamang aniya na paglaanan ang gobyerno ng sapat na airtime para sa mga programa at proyekto nito.

“If you have 10% of the advertising and you can tell them, okay you have 10 spots on this morning show, one out of 10 will be for public service, it will be easier and more pragmatic for government to be able to reach the segments,” ani Cayetano.

Hindi naman aniya maapektuhan ng lubos ang income at stock market prices ng ABS-CBN sa oras na ilaan ang 10 percent sa aadvertising airtime nito sa pamahalaan.