-- Advertisements --

Susubukan pa rin ng Department of Education (DepEd) na hikayatin ang mga magulang na i-enroll ang kanilang mga anak kahit pa napagdesisyunan na ng mga ito na pansamantala munang hindi pumasok ang kanilang mga anak dahil sa coronavirus pandemic.

Sa datos na ibinigay ni DepEd Usec. Tonisito Umali sa Bombo Radyo Philippines, humigit kumulang 22.5 million enrollees sa public basic education system ang nag-enroll ngayong school year.

Katumbas aniya ito ng 99.68 percent ng kabuuang bilang noong nakaraang taon. Umaasa aniya ang DepEd na dadami pa ang bilang ng mga enrollees dahil hindi pa naibibigay ng paaralan ang updated na data.

Dahil dito ay pinawi ni Usec. Umali ang agam-agam ng ibang magulang na baka hindi na makaabot sa enrollment ang kanilang mga anak.

Sinabi nito na kahit simula na ang klase sa Oktubre 5 ay pwedeng pwede pa ring i-enroll ng mga magulang ang kanilang mga anak.