-- Advertisements --

Tiniyak ng abogado ni dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na si Atty. Ade Fajardo na handa ang kanyang kliyente na harapin ang anumang reklamong maaaring ihain ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y flood control scam.

Ayon kay Fajardo, wala umanong ebidensiya laban kay Romualdez at wala pang isinasagawang preliminary investigation dahil nasa case build-up pa lamang ang usapin. 

Iginiit din niyang walang naging partisipasyon ang dating Speaker sa pagpopondo at pagpapatupad ng mga flood control project.

Kinuwestiyon din ni Fajardo ang kredibilidad ng mga testigo dahil umano sa pabago-bago nilang mga salaysay. 

Aniya, wala ring natukoy na pananagutan si Romualdez batay sa naging imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Binigyang-diin ng abogado na nananatili sa bansa si Romualdez, patuloy na ginagampanan ang tungkulin bilang kinatawan ng Leyte 1st District, at nakahandang tumugon sa anumang reklamo sa tamang proseso ng Ombudsman.