-- Advertisements --

Nakatakdang magsagawa ng psychological profiling ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pagkamatay ng artist na si Breana “Bree” Jonson.

Isasagawa ang psychological autopsy sa pamamagitan ng pag-interview sa mga miyembro ng pamilya at kaibigan ng biktima para malaman ang kalagayan ng pag-iisip nito noong nabubuhay pa.

Ayon kay NBI officer-in-charge Eric Distor, ang mga nakuhang ebidensiya ay kanilang bubusisihin para matukoy kung may foul play o natural ang sanhi ng pagkamatay ng painter.

Una rito, nagsagawa na ang NBI ng re-autopsy sa bangkay ni Bree para sa isasagawang mas malalim na imbestigasyon.

Agad namang dinala ang mga tissue samples mula sa biktima at mga ebidensiya maging ng mga data sa NBI laboratory sa Quezon City para sa imbestigasyon.

Binisita rin ng NBI forensic team ang hotel room kung saan namatay ang biktima at nagsagawa ng “reenactment” base sa mga nakuhang impormasyon ng NBI sa mga testigo.

Kasabay nito magsasagawa na rin ang Department of Justice (DoJ) ng preliminary investigation sa pagkamatay ni Jonson.

Kung maalala, natagpuan si Bree na wala nang malay noong Setyembre 22 sa room ng isang hotel sa La Union.