-- Advertisements --
Philippines Statistics Authority biometric national ID 324x160 1

Nagbabala ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa publiko laban sa mga indibidwal na umanoy naglilibot at nagpapakilalang mga tauhan nito.

Ginawa ng ahensiya ang naturang pahayag, kasunod ng natanggap na report ukol sa umano’y paglilibot ng ilang indibiwal na nagi-scan ng mga PhilSys ID.

Ayon sa PSA, hindi nito inotorisa ang pag-scan sa mga ID dahil sa tiyak na makukumpromiso ang seguridad at personal na datus ng mga may-ari ng naturang ID.

Paglilinaw ng PSA, hindi ito nagsasagawa ng anumang aktibidad o proyekto kung saan kinakailangang i-scan ang PhilID cards o iba pang uri ng data collection o verification.

Kasabay nito ay hinimok ng ahensiya ang publiko na agad isumbong sa pinakamalapit na PhilSys Registration Center ang mga nakikitang gumagawa ng ganitong modus.

Maaari ring umanong magtungo sa pinakamalapit na Fraud Management Division office nito, o kung hindi man ay sa pamamagitan ng email address na fmd.staff@psa.gov.ph.