Inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ibinigay nito sa Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang pagpapalit ng Philippine Identification System ID o PhilID na apektado ng sunog sa Manila Central Post Office noong Mayo.
Sa isang pahayag, sinabi ng PSA na may kabuuang 7,352 PhillDs ang naihatid ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang printing partner ng PSA para sa PhillDs, sa PHLPost’s Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City.
Sinabi ng ahensya na ang turnover ay isinagawa sa presensya ng mga tauhan mula sa PSA, BSP, at PHLPost.
Ayon kay PSA Chief Dennis Mapa, agad na sinimulan ng PSA ang proseso ng reprinting para sa mga PhillD na apektado ng sunog sa Manila Central Post Office.
Nauna nang sinabi ng PSA na mga PhilID lang na idedeliver sa Lungsod ng Maynila ang apektado ng insidente ng naganap na sunog.
Inulit ng PSA, na ang ibang mga lD para sa paghahatid ay hindi naapektuhan ng insidente ng sunog dahil ang mga ito ay inaayos at iniimbak sa Central Mail Exchange Center .
Dagdag dito, ang pagpapalit at paglilipat ng mga PhillD ay walang bayad sa mga apektadong rehistradong tao at ihahatid ng PHLPost sa address na ibinigay sa panahon ng pagpaparehistro ng PhilSys.
Ayon sa PSA, patuloy itong nakikipagtulungan sa BSP at PHLPost para mapabilis ang pag-imprenta at paghahatid ng PhillDs sa mga rehistradong tao sa buong bansa.