Ipag-utos ng bagong talagang chief ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ang malalimang pagsisiyasat sa mamahaling laptops na binili para sa Department of Education (DepEd) noong nakalipas na taon.
Ang naturang hakbang ay matapos na punahin ng Commission on Audit (COA) ang pagbili ng DepEd ng laptops na may low-end processors na nagkakahalaga ng P2.4 billion.
Nangako si PS-DBM executive director Dennis Santiago ng buong kooperasyon ng PS-DBM sa pagtugon sa findings at rekomendasyon ng COA hinggil sa procurement ng bilyun-bilyong halaga ng laptops.
Kaniyang ipinag-utos ang pagsusuri sa halaga ng mga laptops gayundin ang technical specifications.
Sakali man na mapatunayan sa naturang records na may non-compliance sa batas at procurement rules, tiniyak nito na hindi nila ito kokonsintihin.
Malinaw aniya ang kanilang mandato na siguraduhin na transparent at competitive ang mga proseso sa PS-DBM at gawin ang nararapat na hakbang upang maiwasan ang iregularidad sa procurement at tiyakin na maayos at matuwid ang pagbili para sa gobyerno.