Tiniyak ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na mga de kalidad na pabahay ang itinatayo ng gobyerno para sa ating mga kababayan.
Ito ang inihayag ng Pangulo ng pangunahan nito ang ground breaking ceremony sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino housing Project sa Naga City,Camarines Sur.
Nasa 20-K housing units ang itatayo sa nasabing lugar.
Sinabi ng Pangulong Marcos na karapatan ng bawat isa at hindi isang pribelihiyo ang pagkakaruon ng isang tahanan.
Sabi ng Pangulo, batid ng pamahalaan ang kinakaharap na problema ng ating mga kababayan na may kinalaman sa pabahay kayat ang ganitong mga proyekto aniya sabi ay unang hakbang para tuparin ang pangarap na mabigyan ng sariling tahanan ang mga Pilipino.
Kaugnay nitoy positibo ang Punong Ehekutibo na magtatagumpay ang Administrasyon para sa proyektong pabahay para sa mga Pilipino.
Malaki ang tiwala ng Pangulong Marcos kay Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jerry Acuzar na aniya’y subok na sa larangan ng pabahay.
Inihayag ng Pangulo na ang itinatayong pabahay ng gobyerno ay kumpleto na sa facilities at accessible din sa eskuwelahan, pagamutan, pamilihan at iba pa.
Binigyang-diin ng Pangulo na target ng kaniyang administrasyon na magtayo ng isang milyon na bahay sa bawat sa loob ng anim na taon ng kaniyang panunungkulan upang tugunan ang 6 million housing backlog sa bansa.