-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nasa recovery stage na si Provincial Tourism Officer Dr. Troy Alexander Miano ng Isabela matapos na magpositibo sa COVID 19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Miano, sinabi nito na matapos siyang makaranas ng lagnat at pananakit ng kalamnan ay agad na siyang nakipag-ugnayan sa Municipal Health Office ng Cabatuan.

Pagkatapos nito ay isinailalim siya sa Rapid test at Antigen test, at lumabas dito na siya ay positibo sa COVID-19.

Para makumpirma ito, sumailalim din sa RT-PCR o COVID-19 swab test si Miano, at lumabas din ang resulta na siya ay tinamaan nga ng naturang sakit.

Maliban sa kanya ay nagpositibo rin sa virus ang 14 na indibiduwal, kabilang na ang kanyang may-bahay, anak at ilan pang kasamahan sa trabaho.

Kaagad naman siyang isinailalim sa isolation sa Echague District Hospital subalit dahil sa mas dumami ang kaniyang sintomas tulad ng pagkawala ng panlasa, pang-amoy at bahagyang pagkahingal at nakadagdag pa ang kanyang comorbidity na sakit sa puso ay inilipat siya kalaunan sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City.