-- Advertisements --

Makalipas ang tatlong linggong pahinga kasunod ng nangyaring Pamplona massacre kung saan kabilang ito sa mga nasugatan at nagtamo ng mga sugat sa paa, balik-trabaho na ang Provincial Health Officer ng Negros Oriental na si Dr. Liland Estacion.

Sa pahayag na inilabas ni Estacion, kailangan na umanong ‘mag-move on’ at gampanan ang mga tungkulin lalo na sa kanyang parte bilang health officer para malaman din ng publiko ang pinakahuling health status ng lalawigan.

Samantala, sa pinakahuling data na inilabas, umabot na sa 314 ang kaso ng dengue ang naitala sa lalawigan na may isang binawian ng buhay mula Enero 1 hanggang Marso 18 kung saan mas mataas ito ng 109% kumpara sa parehong period noong nakaraang taon.

Sa kaso ng hand, foot and mouth disease naman, umabot na sa 445 ang naitalang kaso habang umabot na sa 87 ang kaso ng typhoid fever.

Hinimok naman ni Estacion ang publiko na panatilihing sundin ang minimum health protocols at laging maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig upang maiwasan ang anumang mga sakit.

Nabigay-paalala naman ito na laging uminom ng tubig at huwag ilantad ang sarili sa araw lalo na’t simula na ng tag-init.