CENTRAL MINDANAO-Nagbigay ng agarang tulong ang Provincial Government ng Cotabato sa mga pamilyang naapektuhan ng matinding baha dulot ng malakas na buhos ng ulan sa Lungsod ng Kidapawan.
Nakapaloob sa ayuda ang bigas (25 kilos), de lata (tuna at sardines), coffee, blankets, mosquito nets at plastic mats.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Mercy Foronda, ito ay mabilisang tulong mula sa Provincial Government matapos silang atasan ni Cotabato Governor Emmylou Talino-Mendoza upang mabigyan ng karagdagang ayuda ang mga biktima ng baha sa lungsod.
Kasama ni Foronda sa paghahatid ng relief gamit ang truck ng Provincial Government sina PGO Executive Assistant Jessie Enid, PDRRM Action and Warning Officer Engr. Arnulfo Villaruiz, Councilors Airene Claire Pagal at Judith Navarra at ilang mga personnel mula sa PGO.
Mismong si Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang tumanggap ng nabanggit na ayuda na agad ding ipapamahagi sa mga lubhang nangangailangang pamilya.
Nagpasalamat ang alkalde sa mabilis na tugon ng Provincial Government of Cotabato sa nangyaring flashflood na naakapekto hindi lamang sa mga nakatira sa riverbanks kundi pati na sa mga subdivision at iba pang residential areas ng Kidapawan.
Nasa 194 pamilya ang nakaranas ng matinding pagbaha sa lungsod at matatagpuan ang mga ito sa Barangay Sudapin (167), Balindog (23), Poblacion (ongoing validation) at iba pang lugar, ayon kay City Social Welfare and Development Officer Daisy Perez.
Una ng nagbigay ng food packs ang CSWD sa mga pamilya sa nabanggit na mga barangay matapos ang malakas na ulan at flashflood.
Abot na sa 107 ang mga pamilyang na-validate ng CSWD mula sa mga barangay na sinalanta ng flashfloods kaya ang bilang na ito ang unang makatatanggap ng relief goods.
Kaugnay nito, nagpapatuloy ngayon ang kinakailangang validation upang matukoy ang eksaktong bilang at mabigyan din agad ng ayuda ang mga nalalabing pamilya.
Samantala, patuloy na tumatanggap ng relief good donations ang City Government of Kidapawan mula sa mga mamamayan na nais tumulong sa mga kababayang naapektuhan ng matinding baha.
Ilang mga donors na rin ang personal na nagdala ng tulong sa City Mayor’s Office para sa mga biktima ng flashflood at buong galak na iniabot ang kanilang mga dala-dala tulad ng damit, pagkain, hygiene kits at iba pa.
Para naman sa mga nais pang magbigay ng tulong o donasyon, maaaring magtungo sa Incident Command Post (City Plaza) para sa maayos at kaukulang distribusyon.