BAGUIO CITY – Iniimbestigahan ngayon ng mga otoridad ang pagbabaril-patay sa isang dating kapitan sa lalawigan ng Abra.
Nakilala ang biktima na si Leo Barbosa alyas “umong,” na dating kapitan ng Barangay Guimba sa bayan ng San Juan, Abra at kasalukuyang provincial coordinator ni Senator Ronald Dela Rosa.
Sa inisyal na impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo, kasalukuyang nasa Abra ngayon si Barbosa para mamahagi ng mga alcohol, face masks at thermal scanner na mga donasyon ni Dela Rosa sa mga barangay at ilang himpilan ng pulisya at iba pang nangangailangan para sa pagpuksa ng COVID-19.
Napag-alaman na naisugod pa sa ospital si Barbosa matapos itong pagbabarilin subalit idineklarang dead on arrival.
Si Barbosa ang ikalawang dating punong barangay sa Abra na pinagbabaril hanggang sa bawian ng buhay.
Noong nakaraang linggo lang ay dinukot at pinaslang din ng mga armadong kalalakihan si dating Bañacao, Bangued Punong Barangay Robert Buenafe Millare.
Natutulog si Millare at mga kasama nito sa kiosk sa likuran ng kanilang bahay nang dukutin ito ng mga armadong kalalakihan at pinagbabaril-patay sa gilid ng Abra River.