Dadalhin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga isyung nakakaapekto sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) na gaganapin sa Indonesia ngayong araw Lunes, Agosto 7.
Iginiit ni Speaker Romualdez na prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kaligtasan, kagalingan, at proteksyon ng mga OFW na nagsasakripisyo at tumutulong sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
Kinilala ni Speaker Romualdez ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga Pilipino sa Indonesia na nagtatrabaho doon bilang mga guro, executive ng kompanya, consultant ng mga negosyo, enhinyero, accountant, abugado, at mamumuhunan.
Nangako si Speaker Romualdez na susuportahan nito ang paglikha ng mga oportunidad sa Pilipinas para mas maraming mamumuhunan ang pumasok.
Binanggit ng lider ng Kamara na siyang kinatawan ng Leyte ang pagpasa ng Public Service Act upang mabawasan ang mga limitasyon sa pamumuhunan ng mga dayuhan sa public services.
Nangako si Speaker Romualdez na dadalhin sa 44th General Assembly ng AIPA ang mga hangarin ng mga Pilipino na nasa iba’t ibang bansa.
Sinabi ni Speaker Romualdez na nagpapasa rin ang Kamara ng mga batas upang matulungan ang mga OFW.
Kasama umano dito ang Republic Act (RA) No. 11641 na siyang lumikha sa Department of Migrant Workers (DMW), at isang pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng mga OFW.
Naisabatas na rin umano ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 (RA 10364) at Anti-Mail Order Spouse Law (RA 10906) na naglalayong protektahan ang mga OFW laban sa trafficking at exploitation.