-- Advertisements --

Kinondena ng historical advocacy group na Project Gunita ang pagdalo ni Senador Imee Marcos sa isinagawang rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument nitong Martes, na tinawag nitong isang “historical perversion” at pag-insulto sa mga biktima ng diktadurya ng yumaong pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Project Gunita co-founder Karl Patrick Suyat na ang pagdalo ng senador sa pagtitipon ay isang paglapastangan sa alaala ni Archimedes Trajano at iba pang naging biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng batas militar.

Binalikan ni Suyat ang pagpaslang kay Trajano noong 1977 matapos nitong kuwestiyunin ang pamumuno ni Imee Marcos sa Kabataang Barangay. Aniya, matagumpay na naipanalo ng ina ni Trajano ang isinampang civil case laban kay Imee Marcos at iba pang akusado sa isang federal court sa Hawaii.

“The presence of Sen. Imee Marcos in the ongoing rally tonight, led by the Iglesia ni Cristo, at the EDSA People Power Monument is a huge spit on the grave of Archimedes Trajano and all the other victims of his father’s reviled dictatorship,” ayon kay Suyat.

Iginiit din ng grupo na ang 1986 EDSA People Power Revolution ay simbolo ng pagtutol sa diktadura, mga paglabag sa karapatang pantao, at katiwalian sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Ayon sa Project Gunita, hindi pa rin umano humihingi ng paumanhin si Sen. Imee kaugnay ng mga pang-aabusong naganap noong panahong iyon.

Binatikos din ni Suyat ang senador dahil sa kanyang partisipasyon sa pelikulang Maid in Malacañang, na aniya’y bahagi ng mga pagtatangkang baguhin ang pananaw ng publiko sa kasaysayan ng pamilya Marcos.

Kasabay nito, inakusahan ng grupo ang mga kampo ng mga pamilyang Marcos at Duterte ng paggamit sa pamana ng EDSA People Power para sa kanilang mga layuning pampulitika.

“We have said this before, and we will say it again: The biggest historical distortion today is when both Marcos and Duterte dynasties, as well as their supporters, claim themselves to be the stalwarts of either the spirit of EDSA People Power or the anti-corruption movement. THEY ARE NOT,” ani Suyat.

Ginawa ng Project Gunita ang pahayag habang libo-libong miyembro ng Iglesia ni Cristo ang nagtipon sa EDSA People Power Monument kasunod ng kanilang pag-suporta kay Sen. Rodante Marcoleta na hinaharap ang ilang mga reklamo.

Nanindigan ang grupo na hindi dapat gamitin ng alinmang political faction ang mga simbolo at kasaysayan ng EDSA People Power Revolution upang isulong ang kanilang mga pansariling interes sa pulitika.