-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nasa kamay na raw ng pulis at militar ang pagde-desisyon kung itutuloy nito ang profiling sa mga Muslim na nakatira sa Cordillera region.

Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, napagkasunduan sa ginawang high level meeting ng security forces at local government unit na ipaubaya sa otoridad ang magiging tugon sa ulat na posibleng umatake ang mga terorista sa lugar.

Aminado si Magalong, na siya ring chairman ng Cordillera Regional Peace and Order Council, na buhay ang Muslim community sa lungsod.

Mahigpit din daw ang koordinasyon ng kanilang hanay sa National Commission on Muslim Filipinos.

Tiniyak ng alkalde na nakahanda ang security forces sa siyudad at rehiyon para sa ano mang banta ng terorismo.

Ito’y matapos ilabas ng Armed Forces of the Philippines-Northern Luzon Command na plano umanong umatake ng mga terorista sa Hilagang Luzon.