Ipinaliwanag ni Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa kung bakit niya inirekomenda ang pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao.
Ayon kay Dela Rosa, isa sa mga dapat pang pagtuunan ng PNP sa Mindanao ay ang presensiya ng mga narco-politician na nagbibigay suporta sa teroristang Maute.
Kaya target nila ang mga at-large pang narco-politicians na maaresto upang matuldukan na ang kanilang pagbibigay suporta sa Maute Group.
Hindi naman sinabi ni Dela Rosa kung ilan pang narco-politicians ang target nilang hulihin at kabilang sa inilabas na arrest order ng defense department.
Inihayag din ng PNP chief na kailangan din nilang tugunan ang problema sa loose firearms na patuloy na naglilipana sa Mindanao partikular sa Marawi at Lanao area.
Ang pagtugon aniya sa problema ng loose firearms ay mas mainam kung may umiiral na Batas Militar sa Mindanao.
Dagdag pa ni Dela Rosa na ang kanilang position paper ay batay sa law enforcement perspective.
Kinumpirma rin ni Dela Rosa na naisumite na rin noong Biyernes ang kanilang position paper sa Malacanang.
“Meron kaming position paper na sinubmit last Friday, expressing our stand on extension ng Martial Law. Pero hindi kami naglagay ng period up to when Martial law in Mindanao the same ang scope . 1, yung identified na narcopolitocians who we believed to be supporting the cause of maute group still at large. We Still have to account them,” pahayag ni Dela Rosa.