-- Advertisements --

Lalo pa sanang lumala ang problema sa gutom at unemployment sa bansa kung tinuloy ng pamahalaan na ilagay ang Metro Manila at mga kalapit na probinsya sa ilalim ng mas mahigpit na quarantine classification o modified enhanced community quarantine (MECQ) sa harap nang pagtaas ng COVID-19 cases.

Ayon kay National Economic Development Authority (NEDA) acting chief Karl Chua, 266,194 na bagong COVID-19 cases at 4,738 naman na bagong deaths ang maiiwasan kapag isinailalim sa mas mahigpit na quarantine restrictions o sa MECQ ang NCR at mga kalapit na lugar.

Maiiwasan din ang 11,626 na bagong severe o critical cases, ayon kay Chua.

Subalit, sinabi ng opisyal na 58,000 pang mga Pilipino ang magugutom, bukod pa sa 3.2 million na kasalukuyang nagugutom na sa Metro Manila.

Samantala, ang bilang naman ng mga unemployed na Pilipino ay madadagdagan pa ng 128,500 mula sa kasalukuyang 506,000.

Ang mga datos na ito ang siyang ginawang basehan ng IATF kung bakit inilagay na lamang ang Metro Manila at apat pang mga kalapit na probinsya sa ilalim ng general community quarantine “bubble” sa halip na mas strikto pang quarantine restriction.