Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na tuloy ang isasagawang pro-Duterte rally sa harap ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands bukas, Hulyo 29.
Sa isang panayam, ibinunyag ng bise presidente na nagoorganisa ang kanilang mga tagasuporta sa ibang bansa ng “Free Duterte Now” rally sa labas ng ICC headquarters bilang protesta sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bagamat inamin ni VP Sara sa kaniyang pagbisita sa kaniyang ama na sinabihan niya itong maaaring hindi makatutulong sa kaniyang kaso ang planong rally base na rin sa nakalipas na pagkakataon kung saan ginagamit aniya ng ICC ang kanilang mga sinasabi at ginagawa bilang basehan ng kanilang mga desisyon.
Subalit, ito aniya ang paraan nila para mailabas ang kanilang galit. Hindi naman aniya ito tinutulan ng dating pangulo.
Nagbigay din ng update si VP Sara sa kalagayan ng dating pangulo at kanilang napag-usapan. Aniya, “okay lang” ang kaniyang ama at nagkaroon sila ng produktibong pag-uusap at naubos ang kanilang oras sa mga tanong ng dating pangulo kaugnay ng estado ngayon ng politika sa Pilipinas.
















