Dedma ang tugon ni US Democratic Sen. Edward Markey matapos masali sa listahan ng mga ipina-ban ng Pilipinas dahil sa pagsusulong na makalaya si Sen. Leila De Lima.
Sa inilabas na statement, sinabi ni Markey na nagkakamali umano si Pangulong Rodrigo Duterte kung sa tingin nito ay mapapatahimik niya ang lupon ng US lawmakers na sumusuporta sa senadora.
Kamakailan nang ipasa ng Senate Committee on Foreign Relations ang Senate Resolution No. 142 na sponsored ng 11 senador.
Layunin nito na kalampagin ang pamahalaan ng Pilipinas para palayain si De Lima mula sa drug cases nito.
“President Duterte is sorely mistaken if he thinks he can silence my voice and that of my colleagues,” ani Markey.
Kabilang si Markey sa mga nag-sponsor ng resolusyon, na miyembro din ng East Asia subcommittee ng naturang komite.
Dinepensahan ng US senators si De Lima sa resolusyon at sinabing malinaw na ginamit ng state prosecutors bilang witness laban sa senadora ang mga nahuling inmate ng New Bilibid Prison na sangkot sa bentahan ng iligal na droga.
Nangyari ang raid noong 2014 habang nakaupo bilang kalihim ng Justice department si De Lima.
“I stand with the people of the Philippines and with my state’s vibrant Filipino-American community in fighting for the highest democratic ideals and against the strongman tactics of the Duterte government,” dagdag ng senador.
Ayon kay Markey dapat daw maintindihan ni Duterte na hindi gumagana ang pananakot sa mga personalidad na may alam sa katotohanan.
Bukod sa senador, pinatawan din ng ban ng estado sina Sen. Richard Durbin at Patrick Leahy.
Wala pa namang sagot ang Malacanang sa banat ng senador.