Nagpaliwanag ngayon ang Police Regional Office-7 kung bakit hindi natuloy ang mass relief sa pulisya ng Negros Oriental kasunod ng nangyaring Pamplona massacre.
Inihayag ni Police Regional Office-7 Director PBGen Anthony Aberin na kabilang sa mga dahilan ay ang kakulangan ng tauhan, walang willing na ilipat at agad din umanong nagreact ang mga local chief executives mula sa ibang probinsya.
Gayunpaman, sinabi ni Aberin na napalitan naman umano ang mga tauhan sa apat na istasyon ng pulisya kabilang ang Valencia,Sta Catalina, Bacong at Bayawan.
Idinagdag pa nito na inalis muna ang mga pulis at isinailalim sa re-training upang muling itanim sa isipan ng mga ito na ang taumbayan ang dapat pagsilbihan ng mga ito at hindi isang partikular na tao lang.
Kinumpirma din ng opisyal na may isang class ng kadete na umano ang nagtapos ngunit kailangan pang i-assess kung ibabalik ba ito sa Negros Oriental.
Lumalabas pa sa pagdinig ng Senado na may “massive distrust” sa mga tauhan ng pulisya sa lalawigan, ngunit naniniwala pa siyang hindi naman lahat ng mga ito’y nasa isang tao lang ang loyalty.
Sa ngayon, may inatasan na umano si Aberin na i-assess ang individual police officers na naka-assign sa iba’t ibang munisipalidad kung sino talaga ang mga pulis na dapat alisin para mawala na ang mga umiikot na agam-agam na nananatili pa rin ang isang opisyal ng pulisya na sangkot sa iligal na gawain.