Kumpiyansa si House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na maaprubahan nila sa Kongreso ang mga panukalang batas na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa huling State of the Nation Address (SONA) nito.
Dahil sa pagsusulong ni Pangulong Duterte sa mga panukalang batas na nanakikita niyang makakatulong sa pagbangon ng bansa sa kalbaryong hatid ng COVID-19 pandemic, naniniwala si Salceda na maaprubahan ang mga ito ng Kongreso bago pa man magkaroon ng bagong presidente ang Pilipinas.
Sinabi ni Salceda na nahaharap pa rin sa pandemya ang buong bansa, at kaakibat naman nito ang pagkakataon para magkaisa, sa tulong na rin ng pagtutulak ni Pangulong Duterte sa mga reporma.
Sa kanyang SONA, isa sa mga inapela ni Pangulong Duterte sa Kongreso ay aprubahan ang reporma sa pensyon ng military at uniformed personnel.
Binigyan diin din nito ang kahalagahan ng Ease of Doing Business Act, na ayon kay Salceda ay crucial sa paglikha ng mga trabaho pagkatapos ng COVID-19 pandemic.
Bukod sa mga ito, nabanggit din ni Pangulong Duterte sa Kongreso na aprubahan na rin ang panukala na lilikha ng centralized department para sa mga overseas Filipino workers, Virology Institute of the Philippines, Centers For Disease Control and Prevention, pati rin ang proposed Department for Disaster Resillience.