VIGAN CITY – Nag-aagaw buhay sa ospital ang isang principal ng public high school sa Magsingal, Ilocos Sur, matapos tambangan sa boundary ng Barangay Manzante at Cabaroan, Magsingal, kahapon ng umaga.
Sa pinakahuling impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nasa intensive care unit (ICU) sa isang pribadong ospital sa lalawigan ang biktimang si Eulalia Lyn Gagto, 52-anyos, may-asawa at principal ng Manzante National High School na residente ng Barangay San Julian, Magsingal.
Naoperahan na ito kagabi para sa tinamong limang tama ng bala ng baril sa dibdib, tagiliran at paa, dahil sa pananambang ng mga hindi pa kilalang suspek habang pauwi ito galing sa nasabing paaralan.
Sa naunang panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Mark Lagman, hepe ng Magsingal Municipal Police Station, napag-alaman na ang biktima ay nagpapautang din ng pera bilang karagdagang pinagkakakitaan nito maliban sa pagiging guro at principal.
Ayon kay Lagman, mayroon na silang “lead” sa krimen ngunit hindi pa nila ito maaaring isapubliko upang hindi maapektuhan ang kanilang imbestigasyon.