-- Advertisements --
PRINCE AND PRINCESS OF WALES AT DUKE AT DUCHESS OF SUSSEX 1

Magkakasamang humarap sa publiko ngayong araw ang Prince at Princess of Wales na sina Prince William at asawa nitong si Kate Middleton, kasama ang Duke at Duchess ng Sussex na sina Prince Harry at Meghan Markle na kapwa mga nakasuot ng itim.

Ang apat ay sabay-sabay na naglibot sa paligid ng Windsor Castle upang bumati sa kanilang mamamayang walang humpay na naghihintay doon para magpaabot ng pakikiramay sa pagpanaw ni Queen Elizabeth II at pagbati naman sa pagbati naman sa bagong upong hari ng Britanya na si King Charles III.

Ayon sa Kensington Palace, inimbitahan ni Prince William ang kapatid at asawa nito upang samahan sila ni Princess Kate na maglibot at bumati sa mga tao dahil ito aniya ay mahalaga lalo na’t ito ang kaniyang paraan na ipakita sa taumbayan na sila ay nagkakaisa pa rin sa gitna ng dalamhating kanilang nararamdaman sa pagkawala ng Reyna.

Ayon sa ilan, ang kaganapang ito ay talagang pambihira at makasaysayan para sa royal family dahil sa kanilang pagkakaisa at suporta sa bagong Hari ng Britanya lalo na ngayong tila sariwa pa anila ang sakit na kanilang nararamdaman nang dahil sa pagkasawi ni Queen Elizabeth II.

Matatandaan na una nang inilarawan ni Prince William ang reyna sa isang pahayag bilang isang “extraordinary leader” na bagama’t siya ay nagluluksa ay malaki rin aniya ang kaniyang pasasalamat dahil sa masasayang pagkakataon at alaala habang ito ay kaniya pang nakakasama.