-- Advertisements --

Idineklarang bagong pangulo ng Sri Lanka si Prime Minister Ranil Wickremesinghe na tumayo ring acting president matapos magbitiw si dating Pangulong Rajapaksa.

Tinalo ni Wickremesinghe ang kaniyang pangunahing katunggali na dating education minister at dating journalist na si Dullus Alahapperuma na nakakuha ng 134 kumpara sa 82 sa isinagawang botohan ng parliament ng Sri Lanka.

Sa naging speech ng bagong pangulo ng Sri Lanka matapos ang eleksiyon sa parliament, sinabi nito na kasalukuyang nasa pinakamahirap na sitwasyon ang kanilang bansa at malaking mga hamon pa aniya ang kakaharapin.

Target ng bagong pangulo na maibalik ang political stability sa kanilang bansa upang maipagpatuloy ang mga negosasyon sa International Monetary Fund (IMF) para sa bailout package.

Umapela rin ito para sa political unity at para sa opposition parties na makipagtulungan sa kaniyang administrasyon para mapabuti ang kalagayan ng kanilang bansa.

Subalit, hindi rin nakaiwas ang bagong halal na pangulo mula sa mga batikos at malamig na pagtanggap ng mamamayan.

Inaasahan ang pagsasagawa na naman ng malawakang protesta dahil sa panawagan ng mga demonstrador na bumaba ito sa katungkulan sapagkat nakikita nila ito na bahagi ng political elite na hindi napangasiwaan ang finances ng Sri Lanka.

Magsisilbi si Wickremesinghe bilang pangulo hanggang November 2024.