Pinag-aaralan ngayon ng Department of Trade and Industry ang posibilidad na lagyan ng cap ang delivery charges sa gitna nang pagtaas ng demand para sa delivery services sa kasagsagan ng quarantine periods.
Sa isang panayam, sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na pinag-aaralan na sa ngayon ng Consumer Protection Group sa pangunguna ni Usec. Ruth Castelo ang tungkol sa delivery fees at kung kayang lagyan ito ng price ceiling.
Pero aminado naman ito na maituturing “convenience” ang delivery service at pinapahintulutan ang pagpataw ng service charge para rito.
Noong Abril 24 ay pinalawig pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang enhanced community quarantine sa Metro Manila, Central Luzon, at CALABARZON ng hanggang Mayo 15.
Ang ibang lugar na hindi kasama sa “high risk” areas ay isasailalim sa general community quarantine (GCQ).