-- Advertisements --

martinspeaker1

Naniniwala si Speaker Martin Romualdez na posible umanong nakatulong ang ipinatupad na price ceiling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaya bumaba ang presyo ng bigas sa world market.

Ayon sa US-based Markets Insider, ang presyo ng bigas sa world market ay bumaba ng 21 porsyento, o mula $384 kada metriko tonelada noong Hulyo ay bumagsak sa $332.4 ngayong buwan.

Iginiit ni Speaker Romualdez na tama ang pagpapalabas ng Malakanyang ng Executive Order No. 39 upang mapigilan ang mga hoarder at price manipulator sa kanilang hindi magandang gawain.

“It is obvious na artificial ang pagsirit ng presyo ng bigas sa mga palengke natin dahil tinatago ‘yung mga bigas sa bodega as we have seen during our inspection,” pahayag ni Speaker Romualdez.

Paliwanag ni Romualdez na dahil sa ipinatupad na price ceiling ay mayroong mga exporter ng bigas na nagkansela ng kanilang order kaya biglang dumami ang mabibiling bigas na nagpababa sa presyo nito.

“This remarkable development marks a significant shift in our agricultural landscape and offers hope for our local consumers,” pahayag ni Speaker Romualdez.

Matatandaan na nagsagawa ng surprise inspection si Speaker Romualdez kasama ang mga mambabatas at ang Bureau of Customs (BoC) sa mga warehouse ng bigas sa Bulacan.

Binigyang-diin ni Romualdez na dapat managot sa batas at makulong ang mga rice smuggler at hoarder na nagpapahirap sa mga Pilipino.

Samantala, sinang-ayunan naman ni Ways and Means Committee Chair Rep. Joey Salceda ang pahayag ni Speaker Romualdez na artificial lamang ang pagtaas ng presyo ng bigas.

“We have seen this crisis before and we know how to deal with it,” sabi ni Salceda.

Ipinunto din ng ekonomistang mambabatas na hindi dapat mag over-import ang bansa para hindi i-anticipate ng mga kapitbahay nating bansa at tumaas ng presyo ng bigas.

Sabi ni Salceda ang paglalagay ng price cap ng Malacañang sa bigas ay nagpapakita na hindi katanggap-tanggap sa atin ang mga artificial na pagtaas ng presyo ng bigas sa world market.

Sa inilabas na EO 39 ni Pangulong Marcos, naglalagay ito ng price cap sa presyo ng regular-milled rice sa P41 kada kilo at well-milled rice sa P45 kada kilo.

Ginawa ang hakbang matapos na makatanggap ng impormasyon ang gobyerno na plano ng mga hoarder at price manipulator na paabutin ang presyo sa P70 kada kilo.