Ikinukunsidera na ang tuluyang pagtanggal sa price cap sa well milled at regular milled rice.
Ito ang iginiit ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual, kasabay ng pagsasabing kakausapin nila si PBBM ukol dito.
Ayon kay Pascual, kailangang magkaroon ng sapat na basehan upang tuluyan itong mairekomenda sa Pangulo.
Pero sa ngayon, nasisiyahan na umano ang kalihim sa kanyang nasasaksihan na compliance sa panig ng mga retailers, mula nang ibaba ni PBBM ang naturang kautusan.
Samantala, simula inumpisahan ng DTI, DSWD, at DA, ang pagbibigay tulong sa mga retailers na apektado sa price cap, umaabot na sa P69million ang naipamahaging tulong sa mga retailers.
Sa datus ng DTI, humigit kumulang 5,000 retailers na ang nabigyan ng naturang tulong.
Unang naging epektibo ang price cap sa bigas noong Setyembre-5, 2023.
Sa mga unang araw na ipinatupad ang naturang kautusan, sinabi ng Department of Agriculture, batay sa sarili nitong monitoring, na mahigit sa 90% ng mga retailers ang tumugon sa naturang price control.