Nakaamba ang pagtaas ng presyo ng tinapay dahil sa delay na delivery ng raw materials mula sa ibang bansa.
Ito ang inamin ni Philippine Federation of Bakers’ Association Vice President Luisito “Chito” Chavez, sa gitna ng nagbabadyang global food shortage, na nagsisimula na umanong maramdaman sa bansa.
Una na itong ibinabala ni Agriculture Sec. William Dar na sinang-ayunan din ng iba pang opisyal ng pamahalaan dahil sa Russia-Ukraine war.
Ayon kay Chavez, kailangang pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagtatanim ng agricultural crops na magagamit ng mga magtitinapay upang mapababa ang production cost at makabawi ang maliliit na negosyo.
Maliban dito, pinaaagapan naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang magkakasunod na price increase ng oil products, food items at paghina ng halaga piso, na nakikitang rason ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Malaking usapin din ang law of supply and demand na maaaring trend hangga’t hindi humuhupa ang labanan ng magkakatunggaling bansa na supplier ng iba’t-ibang produkto.