CAUAYAN CITY – Ibinebenta sa Region 2 ng average na P96 bawat kilo ng puting asukal dahil sa kakulangan ng supply.
Sa brown sugar ay P71.63 bawat kilo batay sa price monitoring hanggang kahapon, August 11.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 na sa ibang lalawigan ay umaabot sa P95 hanggang P100 ang bawat kilo ng puting asukal habang sa brown sugar ay P71 hanggang P80 bawat kilo.
May kakulangan ng produksyon ng asukal kaya tumaas ang presyo nito.
Sinabi ni RED Edillo na sa kanilang operation Management meeting kahapon sa DA central office ay inatasan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na iwasan ang mag-import at isagawa ang maagang milling sa mga naaning tubo sa Visayas at Mindanao para tumaas ang suplay ng asukal sa lokal na merkado.
Sa Piat, Cagayan ay may kompanya na gumagawa ng asukal.
Ayon kay RED Edillo, sa hiling na magsagawa ng inspection sa bodega ng mga malalaking nagbebenta ng asukal ay lumabas na kaunti ang laman ng kanilang warehouse.
Sa Region 2 ay kakausapin nila ang satellite office ng SRA kung ano ang resulta ng kanilang pag-iikot at makipag-ugnayan din sila sa DTI.
Inaasahan na sa susunod na buwan kapag nasimulan na ang milling ng mga aning tubo ay madadagdagan ang supply ng asukal sa bansa at puwedeng bumaba ang presyo.