-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN- Nananatili pa rin umanong matatag ang presyuhan ng bigas sa merkado.
Ito ay ayon kay Leonardo Montemayor, ang Chairman ng Federation of Free Farmers.

Gayunpaman, mahal aniya ang bilihan ng palay sa kasalukuyan, hindi lamang ng National Food Authority (NFA) kundi maging ng mga pribadong sektor.

Kung maalala aniya sa ilalim ng pangangasiwa ni pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang dating P19 na bilihan ng NFA council sa mga farmers ng palay, ngayon ay nasa P23 na.

Ikinatutuwa naman aniya ito ng mga magsasaka dahil kahit papaano ay makakabawi sila sa kamahalan ng production inputs subalit kanilang napansin na sumasabay sa presyo ng buying price ng ahenya ang private sector na umaabot sa P24 hanggang P26 pesos kada kilo.

Bagamat magandang balita ito para sa mga local farmers, nagbibigay lamang ito ng kaunting pangamba sa panig ng mga mamimili kung saan maaaring umabot sa P48 ang pinakamababang presyo nito kada kilo sa merkado na di hamak na mas mataas kaysa sa itinakdang price cap noon na P45 per kilo.

Inaasahan naman na dahil harvest season ngayon, hindi gaanong gagalaw ang presyuhan ng palay.